MANILA, Philippines - Apat na koponan ang magtatangkang makisalo sa unang puwesto sa pagpapatuloy ng PBA D-League Aspirants’ Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig City ngayong hapon.
Ang Cagayan Valley Rising Suns ay makikipagpalitan ng buslo sa Bread Story sa ganap na alas-12 ng tanghali bago halinhinan ng Café France Bakers kontra sa Racal Motors dakong alas-2 ng hapon.
Huling labanan ay sa pagitan ng Tanduay Light Rhum Masters at Hapee Fresh Fighters dakong alas-4 ng hapon.
Ang Rising Suns, Bakers, Rhum Masters at Fresh Fighters ay nanalo sa kanilang unang asignatura at kung palarin pa ay makakasama ng pahingang Jumbo Plastic Giants sa unang puwesto sa 2-0 marka.
Hindi pa rin makakapiling ng Cagayan ang top pick sa rookie draft na si 6’7 Moala Tautuaa kaya’t patuloy na sasandalan ng koponan ang husay ni Michael Mabulac na tumipa ng 20 puntos at 13 rebounds sa 94-86 tagumpay sa MJM Builders.
Magandang pagtutulungan ang aasahan ng Café France para madugtungan ang 86-59 panalo sa MP Hotel sa unang laro.
Naungusan naman ng Rhum Masters ang MJM Builders, 78-77, habang nasilayan ang individual talent ng Hapee para sa 69-61 panalo sa AMA University Titans.