MANILA, Philippines - Inihakbang nina top seed Marcus Del Rosario at fourth pick Karl Christian Baran ang kanilang kampanya sa quarterfinals matapos talunin ang kani-kanilang kalaban sa boys’ 14-under class sa 33rd Philippine Columbian Association (PCA) Open na inihahandog ng Cebuana Lhuillier at Metro Global Holdings sa PCA indoor shell clay courts sa Paco, Manila kahapon.
Pinangatawanan ni Del Rosario ang kanyang pagiging top seed ng umiskor ng 6-1, 6-4 tagumpay kontra kay Jules Lazaro, habang magaang na giniba ni Baran si Nicholas Ian Balmes, 6-2, 6-1.
Itinakda ni Joshua Austria ang kanyang pakikipaglaban kay Del Rosario sa quarters matapos sibakin si Alexander Bulilan, 5-7, 7-5 (10-8), habang makikipagtipan si Baran kay Jose Maria Pague na nalusutan si Norman Gaspar, 2-6, 6-4 (10-6).
Pumuwesto rin sa quarters si Fhad Kennete Banico na nanalo kay Andrian Encinas, 6-0, 6-3 sa torneong may ayuda ng Dunlop, Fujidenzo/Whirlpool, Babolat, Head, Accel, Malate Bayview Mansion, Coca-Cola Bottlers Phils. Inc., Philippine Prudential Life Insurance Company Inc., Seno Hardware at ni Hon. Emmanuel “Manny” Pacquiao.
Nakasiguro na rin ng tiket sa quarters ng 10-under class ang top four players na sina Miguel Luis Vicencio, Rafael Liangco, Rupert Ohrelle Tortal at Macie Carlos ng magwagi sa kani-kanilang kalaban.