Suarez, Barriga mainit ang simula sa AIBA Boxing Fest

Charly Suarez and Mark Anthony Barriga  

MANILA, Philippines - Kumasa sina Charly Suarez at Mark Anthony Barriga sa mga nakaharap sa pagsisimula ng AIBA Professional Boxing Tournament (APB) na bagong proyekto ng pangulo ng world boxing body na si Dr. Ching-Kuo Woo.

Tinalo ng silver medalist sa Incheon Asian Games na si Suarez si Domenico Valentino ng Italy sa pamamagitan ng split decision sa lightweight division (60kg) na ginawa sa Daulet Stadium sa Astana, Kazakhstan.

Si Valentino ay isang two-time Olympian at da-ting European at world champion pero bumagsak siya sa fifth round at naputukan sa noo.

Sunod na kalaban ni Suarez si Berik Abdrakh­manov ng Kazakhstan sa Nobyembre 21 at nais ng Filipino boxer na maipaghiganti ang tinamong kontrobersiyal na pagkatalo sa katunggali sa President’s Cup sa Astana noong Hul­yo.

Hindi rin nagkaproble­ma ang London Olympian na si Barriga laban kay Leandro Blanc ng Argen­tina sa light flyweight division na pinaglabanan sa Guangzhou, China.

Sunod na kasuntukan ni Barriga si Carlo Quipo ng Ecuador.

Ang APB ay inilunsad noong nakaraang taon at nagbibigay pagkakataon sa mga mahuhusay na amateur boxers sa mundo na hasain ang sarili sa pagkakaroon ng apat na laban kada taon.

Kasabay nito ay naka­pasa sina Dr. Isagani Leal, international referee-jud­ges Mark Abalos at Cildo Evasco, head coach Patricio Gaspi at AIBA international technical official (ITO) Karina Picson sa mga pag­susulit na kinuha upang tumaas ang kanilang mga ranggo.

Natuwa si ABAP Pre­sident Ricky Vargas sa tagumpay ng mga bo­xers at pagkapasa ng mga opis-yales para matiyak na pa­tuloy na aangat ang boxing sa bansa.

 

Show comments