‘Catchweight’

Napasubo yata si Chris Algieri para sa laban niya kay Manny Pacquiao.

Nung magkasundo kasi sila sa laban, may kun-disyon si Algieri na kahit anong mangyari ay hindi mawawala sa kanya ang WBO junior welterweight title.

Siya ang reigning champion sa junior welterweight na may timbang na 140 pounds. Si Pacquiao naman ang WBO champion sa welterweight sa timbang na 147 pounds.

Ayon sa kasunduan, maglalaban sila sa catchweight na 144 pounds. Ibig sabihin, hindi sila puwedeng lumampas dito kahit na ang paglalabanan na titulo ay sa welterweight.

Si Pacquiao raw ang humiling ng catchweight. Dati na niya itong ginawa, kabilang na rito ang laban niya kay Antonio Margarito para sa junior middleweight title.

Maliit kasi si Pacquiao kaya kung humiling siya ng catchweight ay pumapayag din naman ang mga kalaban. Isa na nga rito si Algieri.

Ang gusto siguro ni Algieri ay kung mananalo siya sa Macau ay tsaka na siya pipili kung anong titulo ang gusto niyang  kapitan at alin ang bibitawan.

At kung hindi naman siya magtagumpay ay mana­natili siyang junior welter champion.

Pero nagsalita ang WBO nung nakaraang araw na kailangan daw bitiwan ni Algieri ang titulo niya bago niya labanan si Pacquiao.

Nagulantang ang kampo ni Algieri dahil ang intindi nga nila ay walang koneksyon ang darating na laban sa titulo niya.

Lilinawin daw ng mga promoters ni Algieri sa WBO kung bakit biglang nagkaganun.

Baka kailangan lang ng konting padulas.

PAHABOL: Sa ngalan ng POC-PSC Media Group ay nais kong makiramay sa batikang sportswriter na si Gerry Ramos sa pagpanaw ng kanyang ina na si Rebecca Ramos nung nakaraang Linggo. Condolence sa pamilya Ramos.

Show comments