MANILA, Philippines – Tinawag na ‘reckless and unsubstantiated’, nagdesisyon si PBA Commissioner Chito Salud na patawan ng P150,000.00 multa at one game suspension si Tanduay Light coach Lawrence Chongson matapos ang maiinit na pahayag na binitiwan laban sa PBA D-League.
Ipinatawag ni Salud si Chongson sa kanyang tanggapan kahapon para pagpaliwanagin ang akusasyon na pinahihintulutan ng liga ang pagkakaroon ng isang koponan na sobra ang lakas para paglabanan na lamang ng ibang kasapi ang pangalawang puwesto.
Tinukoy ni Chongson ang Hapee Toothpaste na nakakuha ng ganitong pabor at inakusahan na ang multi-titled team ay pinata-takbo ng grupo ng sportsman at negosyanteng si Manny V. Pangilinan.
Ang Hapee ang pumalit sa six-time D-League champion NLEX Road Warriors na umakyat na sa PBA.
Napatunayan ni Salud na walang basehan ang mga akusasyon ni Chongson dahilan para igawad ang kaparusahan.
Wala pa namang reaksyon si Chongson sa kaparusahan dahil wala pa siyang nakukuhang komunikasyon sa PBA.
“Hindi ko alam iyan dahil noong umalis ako ay wala namang sinabi sa akin. Pero expected ko na may kaparusahan ako pero hindi ganyan kalaki ang multa,” wika ni Chongson.
Ang Tanduay ay nawalan ng dalawang mabibigat na manlalaro para sa conference na ito dahil ang second pick overall sa rookie draft na si Chris Newsome ay nawala nang hindi nabigyan ng offer sa loob ng takdang panahon.
Si Mac Belo na nakakontrata sa koponan hanggang Mayo 2015 ay nagdesisyon na maglaro na lamang sa MJM M-Builders-FEU sa liga.
Isinuot ni Belo ang uniporme ng bagong koponan noong Lunes laban sa Tanduay na pinalad naman na nanalo sa 78-77 iskor.
Naunang sinabi ni Chongson na dudulog sila sa korte para ipaglaban ang karapatan bagay na hindi na rin gagawin ng Rhum Masters.
“As per marching order ni boss Bong Tan, move on na kami. May request lang (Tan) sa M-Builders/FEU na magpaalam sa kanya ng maayos. Ayaw ko na rin ipagpilitan pa sa isang player ang kanyang obligasyon. It’s not worth it,” pahayag pa ni Chongson.