Para sa 3rd place sa Shakey’s V-league season 11 Meralco babawian ang PLDT

MANILA, Philippines - Pagsisikapan ngayon ng PLDT HomeTelpad Tur­bo Boosters na palawigin ang dominasyon sa Meralco Power Spikers sa pagkikita ng dalawa para sa ikatlong puwesto sa Shakey’s V-League Season 11 Third Conference  na gagawin sa The Arena sa San Juan City.

Dalawang dikit na pa­nalo ang naiukit ng PLDT sa Meralco sa double round elimination para ma­paboran na makauna sa best-of-three series sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s bukod sa ayuda ng Accel at Mikasa.

Bago ito ay mag-uunahan din ang FEU Tamaraws at Rizal  Technological University Blue Thunders sa 1-0 kalamangan sa kala­lakihan na magsisimula sa alas-2 ng hapon.

Tiyak na handa ang Power Spikers na bawian ang PLDT para bigyan din ng ningning ang na­ngu­limlim na kampanya sa elimination round nang hindi pinalad na nakatikim ng panalo matapos ang anim na labanan.

May senyales din ang pagganda ng larong ipakikita ng Meralco base sa kinalabasan ng kanilang head-to-head.

Matapos manalo sa straight sets noong Oktubre 9, 18-25, 21-25,19-25, ay binigyan ng Meralco ng matinding laban ang PLDT bago yumuko sa limang sets, 20-25, 14-25, 25-22, 25-16, 15-17.

Sina imports Kotruang Wanida ng Thailand at Misao Tanyama ng Japan ang mangunguna sa Meralco pero asahan na tutulong din ang mga locals sa pangunguna nina Aby Maraño, Stephanie Mercado, Maika Morada, Maureen Penetrante-Ouano at Jen Reyes.

Ang mananalo sa dalawang larong ito ay puwede nang siluin ang ikatlong puwesto sa Game Two na gagawin sa Huwebes.

 

Show comments