CHICAGO--Nagsalansan si LeBron James ng 36 points at tinulungan ang Cleveland Cavaliers sa 114-108 overtime win kontra kay Derrick Rose at sa Chicago Bulls.
Bumawi si James mula sa kanyang malamyang inilaro sa kanyang debut game para sa Cavaliers matapos umiskor ng 8 points sa extra period.
Pinangunahan ni Rose ang Bulls sa kanyang 20 points bago nagkaroon ng sprained left ankle injury.
Pipilay-pilay si Rose, halos hindi nakalaro sa nakaraang dalawang seasons dahil sa knee injuries, sa first half at idiniretso sa locker room sa fourth quarter.
Bumangon ang Cleveland mula sa five-point deficit sa huling minuto ng regulation makaraang isuko ang nine-point lead sa pagsisimula ng fourth quarter.
Nagbida si James sa overtime na tinampukan ng kanyang reverse layup.
Hawak ng Cavs ang 106-104 abante matapos isalpak ni Kirk Hinrich ng Bulls ang 2-free throws sa huling 46.8 segundo.
Ang dunk ni Tristan Thompson matapos ang kanyang offensive rebound mula sa mintis ni James ang nagbigay sa Cleveland ng four-point lead sa huling 24 segundo.
Sa iba pang laro, humugot si Isaiah Thomas ng 10 sa kanyang 23 points sa fourth quarter para pamunuan ang Phoenix Suns sa 94-89 panalo laban sa nagdedepensang San Antonio Spurs.
Nagtala si Tony Parker ng 19 points para sa Spurs, ngunit nalimita sa 3 markers sa fourth quarter, habang nagdagdag ng 16 si Tim Duncan.
Kumamada naman si Blake Griffin ng 39 points kasama ang 11 for 12 sa free throw line para ihatid ang Los Angeles Clippers sa 118-111 tagumpay kontra sa LA Lakers.
Humakot si DeAndre Jordan ng 11 points at 13 rebounds at naglista si Chris Paul ng 12 points, 10 assists para sa Clippers.