MANILA, Philippines – Lalabanan ng Philippine College of Criminology ang St. Clare College sa pagsisimula ngayon ng Metro Manila qualifying games ng Champions League (PCCL) 2014 National Collegiate Championship sa Technological Institute of the Philippines.
Maghaharap ang PCCr Golden Panthers, ang UCLAAI champions, at ang NAASCU runner-up St. Clare sa ganap na alas-2 ng hapon.
Sa alas-4 ay magkikita naman ang ISAA titlist PMMS at ang NCBL winner Diliman College.
Dalawang tiket ang paglalabanan sa Luzon-MM qualifying games.
Umabante ang Centro Escolar University, ang kampeon ng NAASCU at MNCAA, sa step-ladder knockout games ng Luzon-MM games para makasama ang UAAP teams La Salle at Ateneo at ang NCAA squads Jose Rizal at University of Perpetual Help Altas.
Dalawa pang regional games ang nakatakda sa unang linggo ng Nobyembre para makumpleto ang line-up ng Luzon-MM games.