MANILA, Philippines - Tinapos ng Instituto Estetico Manila Volley Masters ang labanan para sa puwesto sa championship sa men’s division ng Shakey’s V-League Season 11 Third Conference sa 25-20, 25-21, 25-21, tagumpay sa FEU Tamaraws noong Huwebes ng gabi sa The Arena sa San Juan City.
Sinamantala ng Volley Masters ang lakas sa atake at depensa para kunin ang ikaapat na panalo sa limang laro at selyuhan ang pag-usad sa Finals sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at may suporta pa ng Accel at Mikasa.
Makakaharap ng IEM ang Systema Active Smashers sa titulo matapos hawakan ng huli ang 3-1 baraha.
Ang pagkatalo ng Tamaraws ay kanilang ikaapat matapos ang limang laro at kasama nilang namaalam ang Rizal Technological University Blue Thunders na may 1-3 baraha.
Sina Jason Canlas at Jeffrey Jimenez ay mayroong 13 at 11 puntos at nagsanib sa 20 kills para bigyan ang IEM ng 36-25 kalamangan sa attacks.
Sina Eden Canlas at Jimenez ay bumutata pa ng tig-tatlong shots para hawakan din ng 8-5 bentahe.
Maganda ang floor defense ng FEU at si Rikko Marmeto ay may 13 digs pero minalas ang FEU na may 28 errors at ito ay nangyari sa krusyal na tagpo ng labanan tungo sa kabiguan. (AT)