MANILA, Philippines - Pupuntiryahin ng Road Warriors ang kanilang ikalawang sunod na panalo para sa liderato, habang mag-uunahan namang makabangon mula sa kabiguan ang tatlo pang koponan.
Haharapin ng NLEX ang Talk ‘N Text ngayong alas-4:15 ng hapon kasunod ang banggaan ng Rain or Shine at Blackwater sa alas-7 ng gabi sa 2014 PBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Umiskor ang Road Warriors ng come-from-behind 101-96 win laban sa Globalport Batang Pier noong Oktubre 21 kung saan humakot si 6-foot-9 Fil-Tongan Asi Taulava ng 12 sa kanyang 21 points sa fourth quarter.
“It’s just the whole preparation I had this year,” sabi ng 41-anyos na si Taulava sa kanyang ginawang paghahanda para sa 40th PBA season.
Nagdagdag naman ng 20 markers si Mac Cardona kasunod ang 16 ni Aldrech Ramos at 11 ni Rico Villanueva para sa NLEX, inaasahang sisimulang igiya ni coach Boyet Fernandez.
Sa naturang panalo sa Batang Pier ay bumangon ang Road Warriors mula sa 10-point deficit sa third period para kunin ang una nilang panalo.
Inaasahan namang babawi ang Tropang Texters mula sa kanilang 81-101 kabiguan sa Ginebra Gin Kings noong Oktubre 19.
Inamin ni Jong Uichico, ang pumalit kay Norman Black sa bench ng Talk ‘N Text, na hinahanap pa niya ang tamang kombinasyon sa koponan.
“Siyempre, nangangapa pa ako ngayon on who will be more effective in the minutes I’ll be giving,” sabi ni Uichico, ang eight-time PBA champion coach, sa Tropang Texters.
Sa ikalawang laro, pilit na reresbak ang Elasto Painters at ang Elite mula sa nalasap nilang pagkatalo sa mga kamay ng San Miguel Beermen at Kia Sorento, ayon sa pagkakasunod.
Yumuko ang Rain or Shine sa San Miguel, 79-87, samantalang natalo ang Blackwater sa Kia Motors, 66-80.