MANILA, Philippines - Puwesto sa championship ang pagtutuunan ngayon ng Army Lady Troopers at Instituto Estetico Manila Volley Masters sa Shakey’s V-League Season 11 Third Conference sa The Arena, San Juan City.
Ang Volley Masters ay makakaharap ang FEU Tamaraws at paboritong makuha ang ikaapat na panalo sa limang laro sa ganap na alas-4 ng hapon.
Tinalo na ng IEM ang Tamaraws sa unang pagtutuos, 25-20, 25-22, 25-20, at ang pagwalis sa kanilang head-to-head sa elimination round sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s ay magreresulta rin para pumasok na sila sa Finals.
Ang FEU at Rizal Technological University Blue Thunders ay may 1-3 karta at para manatiling buhay ang paghahabol ng puwesto sa championship round, kailangan nilang walisin ang nalalabing dalawang laro at umasang hindi makuha ng IEM o Systema Active Smashers ang kanilang ikaapat na panalo.
Si Jeffrey Jimenez na siyang nangunguna sa pagpuntos sa liga sa 60 total hits, ang babalikat uli sa laban ng IEM.
Ikalimang sunod na panalo ang makukuha ng Open Conference champion Army kung makaulit sila sa Cagayan Valley Lady Rising Suns sa ikalawang laro sa alas-6 ng gabi.
Hiniritan ng Lady Troopers ang Lady Rising Suns ng 17-25, 25-17, 17-25, 25-21, 15-13, panalo sa unang pagtutuos sa kompetisyong suportado pa ng Accel at Mikasa.
Tiyak na mapapalaban ang tropa ni coach Rico de Guzman dahil magagamit na ng Cagayan ang kanilang mga imports na sina Amporn Hyapha at Patcharee Saengmuang.
Dahil dito, inaasahang itataas pa nina Dindin Santiago, leading scorer sa kababaihan sa 65 puntos, Jovelyn Gonzaga (53), Mary Jean Balse, (50), Rachel Ann Daquis, Tina Salak at Nerissa Bautista ang laro para maisantabi ang mas malakas na hamon ng katunggali. (AT)