MANILA, Philippines – Pinatunayan ng Systema Active Smashers na kaya nila ang collegiate team na FEU Tamaraws sa mas kumbinsidong 29-27, 26-24, 25-18, straight sets panalo sa pagsisimula ng second round elimination sa men’s division ng Shakey’s V-League Season 11 Third Conference kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Sina Sylvester Hondrade at Salvador Depante ay may anim at dalawang blocks para suportahan ang tig-9 attack points nina Christopher Antonio at Angelo Espiritu para katampukan ang panalo na nagbigay sa Active Smashers ng 3-1 baraha sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at may ayuda pa ng Accel at Mikasa.
Hinawakan ng Systema ang 40-34 bentahe sa spike, may 10-8 kalamangan sa block at 4-2 agwat sa aces para katampukan ang panalo na ikalawa laban sa Tamaraws na bumaba sa 1-3 karta.
Si Hondrade na may dalawang aces ang nanguna sa Systema sa 14 puntos habang may 12 si Depante at sina Antonio at Espiritu ay naghati sa 18 hits.
Nakatulong pa ang 12 digs ni Rikko Marmeto habang may 23 excellent sets si Manolo Refugia para sa nanalong koponan.
Walang manlalaro ng FEU ang nasa double-digits at si Greg Dolor ay may walong kills tungo sa siyam na puntos. (AT)