MANILA, Philippines - Tatlo hanggang apat na bilyon ang kailangang pondo para maitayo ang makabagong training center sa Clark Field sa Pampanga.
Sinipat na ni PSC chairman Ricardo Garcia ang 50-hectares na puwedeng pagtayuan ng pasilidad para mapagsanayan ng 250 hanggang 300 atleta.
“Nasa loob ito ng Clark at malapit na sa NLEX at maganda ang lugar dahil tahimik at maraming puno, walang pollution,” wika ni Garcia.
Ipinag-utos na rin ni Garcia sa kanyang mga tauhan na tingnan kung ano ang mga pasilidad na puwedeng itayo rito at kung magkano ang magiging gastusin nito.
“By the end of the month tapos na ang identification at costing. Sa personal kong estimate, nasa P3 hanggang P4 bilyon ang kakailanganin. Ang pagpapagawa ay hindi pa-isa-isa kung magkano at ano ang magagawa, sabay-sabay na itong gagawin,” paliwanag pa ni Garcia.
Ang pagbebentahan ng Rizal Memorial Sports Complex ang sinisipat para pagkuhanan ng pondong ipantatayo sa pasilidad pero handa rin ang PSC na lumapit sa private sector para umamot ng tulong.
Matagal ng plano ng PSC at POC ang ilipat ang Pambansang atleta sa Rizal Memorial Complex dahil hindi na ito angkop para pagsanayan dahil sa pollution at ang nakapaligid na pasilidad na nakakasira sa paghahanda at konsentrasyon ng mga atleta. (AT)