Volley Masters inilaglag ang tamaraws, lider na

MANILA, Philippines – Nagpamalas ng ma­gandang pagtutulungan ang Instituto Estetico Manila Volley Masters upang makabangon mula sa pagkatalo sa huling laro sa 25-20, 25-22, 25-20, panalo sa FEU Tamaraws sa Shakey’s V-League Foreign Reinforced Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Kontrolado ng Volley Masters ang labanan matapos mamayagpag ang kanilang mamamalo para angkinin ang liderato sa apat na koponang dibisyon sa 2-1 baraha.

Ito rin ang kauna-una­hang pagkakataon na natapos ang labanan sa straight sets na senyales na unti-unti ng nagkakaga­mayan ng laro ang commercial team sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at may ayuda ng Accel at Mikasa.

Sina Karl Ian Dela Calzada at Salvador Timbal ay may 11 at 10 puntos habang tig-siyam ang ginawa pa nina Michael Ian Conde at Jeffrey Jimenez.

Nagsanib sa17 kills sina Timbal at Conde habang si Dela Calzada ay may tatlong blocks at si Jimenez ay may dalawang aces para sa solidong pagtutulungan.

Tig-11 ang ginawa nina Franco Camcam at Greg Dolor para sa Tamaraws na  nalaglag sa 1-2 baraha.

Sa ikatlong set binigyan ng laban ng FEU ang IEM at nahawakan pa ng una ang 12-8 bentahe. Angat pa sila ng dalawa, 16-14, pero rumatsada ang Volley Masters ng 9-4 palitan tungo sa panalo sa larong tumagal lamang ng isang oras at 16 minuto.

Magtatangka naman ang Systema Active Smashers at Rizal Technological University Blue Thunders na makasalo sa IEM sa kanilang pagtutuos sa Huwebes. (AT)

Show comments