FIBA 3X3 World Tour Manila West team pasok sa quarters

   Mahigpit na dinedepensahan ng Manila West  team ang manlalaro ng Bucharest sa FIBA 3x3 World Tour Finals sa Xebio Sports Arena sa Sendai, Japan. (Larawan mula sa SBP)

Laro Ngayon

(Xebio Sports Arena)

12:15 p.m. Kranj

vs Manila West

 

SENDAI, Japan-- Ang pagkuha ng dalawang sunod na panalo sa loob ng dalawang oras sa FIBA 3x3 World Tour Finals ay maaaring nakaapekto kay Manila West’ guard Terrence Romeo.

Tinalo ng Manila West ang Sao Paolo ngunit na­bigo sa Bucharest para makuntento sa No. 2 spot sa Pool B na magtatakda sa kanilang pakikipagharap sa Pool C leader Kranj ng Slovenia sa knockout quarterfinals sa Xebio Sports Arena sa Nagamachi.

Ang Kranj-Manila game ay nakatakda ngayong alas-12:15 ng tanghali.

Nagbida si Romeo sa 21-17 panalo kontra sa Sao Paolo, ngunit nabi­gong maisalpak ang isang jumper sa overtime laban sa Bucharest na nagresulta sa 15-13 paglusot ng mga Romanians at angkinin ang No. 1 position papunta sa quarterfinals

Lalabanan ng Bucharest ang Jakarta para sa tiket sa semifinals.

Ipinatikim ng No. 10-ranked Manila West sa No. 6 Brazilians ang ka­nilang ikalawang sunod na kabiguan sa eliminations na tuluyan nang sumibak sa huli.

Ang quartet nina Romeo ng Globalport, KG Canaleta at  Aldrech Ramos ng NLEX at Rey Guevarra ng Meralco ay umabante sa world championship matapos pagharian ang Manila Masters leg.

Nagkampeon naman ang mga Romanians sa Prague.

Nakuha ng Jakarta ang puwesto ng Doha matapos mabigong magamit ang kanilang mga Qatari players na nagkaroon ng injury mula sa pagsabak sa nakaraang Incheon Asian Games sa South Korea.

Show comments