MANILA, Philippines – Binigo ng Letran ang plano ng St. Benilde na makahirit ng playoff para sa puwesto sa Final Four sa 64-57 panalo sa pagtatapos ng 90th NCAA men’s basketball elimination round kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Lumabas ang karanasang nakuha ng Knights buhat sa dalawang sunod na pagtapak sa championship sa endgame para maisantabi ang pagkawala ng 17 puntos kalamangan, 37-20, at tapusin ang kinapos na kampanya sa 9-9 baraha.
Dumikit hanggang sa dalawang puntos ang Blazers, 55-57, pero nasayang ang kanilang paghihirap dahil nasundan ito ng 4 na errors nang minadali ang opensa sa hangaring maitabla o makuha ang kalamangan.
Kapos ang St.Benilde ng isang panalo para makigulo sa Jose Rizal at Perpetual Help na umusad na sa Final Four sa 12-6 karta.
Magkakaroon pa rin ng playoff ang Heavy Bombers at Altas pero ito ay para sa ikatlong puwesto.
Kinapitalisa ng Lyceum Pirates ang wala sa focus na Arellano Chiefs para gulatin ito sa 101-96 panalo sa ikalawang laro.
Ang pagkatalo ay nagresulta para magtabla uli ang Chiefs at four-time defending champion San Beda sa unang puwesto sa 13-5 baraha.
Dahil dito, ang dalawang koponan na may twice-to-beat advantage sa Final Four ay magtutuos pa upang malaman kung sino ang hahawak sa unang puwesto sa pagtatapos ng eliminasyon.