MANILA, Philippines – Madaragdagan ang hanay na exposure sa men’s volleyball matapos magdesisyon ang Sports Vision na isama ito sa ikatlong komperensya ng darating na Season 11 Shakey’s V-League.
Masayang ibinalita nina Sports Vision president Ricky Palou at chairman Moying Martelino sa mga miyembro ng PSA Forum sa Shakey’s Malate kahapon na apat na koponan ang maglalaban-laban para sa kauna-unahang kampeonato sa men’s division.
Ang mga tiyak nang sasali ay ang Systema at Instituto Estatico Manila, habang nag-aagawan para sa huling dalawang puwesto ang Air Force, Perpetual Help at Cignal.
“We believe in the popularity of the men’s volleyball. We feel this is the right time to test the market so we are pushing it,” wika ni Palou.
Idinagdag naman ni Martelino na patuloy na mapapanood ang aksyon sa women’s class at ang mga maghaharap ay ang Open Conference champion na Philippine Army, Cagayan Valley, Meralco at PLDT.
Lahat ng kasaling koponan ay puwedeng kumuha ng tig-dalawang imports para palakasin ang line-up pero ang Lady Troopers ay maglalaro gamit ang All-Filipino line-up.
Sa Linggo (Oktubre 5) magbubukas ang mga aksyon at ang laro sa men’s category ay magsisimula sa alas-4 ng hapon, habang sa alas-6 mapapanood ang labanan sa women’s division.
May laro rin tuwing Martes at Huwebes at ang format ay double-round elimination at ang mangungunang dalawang koponan ang maglalaban para sa titulo sa best-of-three series, habang ang dalawang mangungulelat ang magtatagisan para sa ikatlong puwesto.