MANILA, Philippines – Magpapatatag ang Perpetual Help at ang College of St. Benilde sa upuan sa Final Four sa kanilang pagkikita ngayong hapon sa 90th NCAA men’s basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Sa ganap na alas-4 ng hapon magsisimula ang natatanging bakbakan sa seniors’ division at ang mananalo sa Altas at Blazers ang hahawak sa mahalagang ikatlong puwesto.
Okupado ngayon ng Blazers ang paglalabanang puwesto sa 10-5 baraha, habang kapos ng kalahating laro ang Altas sa 10-6.
May 10-6 karta rin ang host Jose Rizal University kaya kung ang Altas ang mamalasin ay masosolo ng Heavy Bombers ang ikaapat na puwesto.
Mabibiyayaan din ng pagkatalo ng Perpetual ang nangunguna at four-time defending champions na San Beda Red Lions (13-4) dahil aangkinin nila ang isa sa dalawang upuan na magkakaroon ng ‘twice-to-beat’ advantage.
Sina Juneric Baloria, Earl Scottie Thompson at Harold Arboleda ang mga sasandalan ni head coach Aric del Rosario.
Sa kabilang banda, sina Paolo Taha, Jonathan Grey at Mark Romero ang kakamada para sa tropa ni mentor Gabby Velasco para maiusad ang isang paa patungo sa semifinals bukod sa pagpapanatiling buhay sa paghahabol sa ‘twice-to-beat’ incentive.
Ang Arellano Chiefs ang nasa ikalawang posisyon sa 12-4 baraha pero puwede pa silang malaglag.