MANILA, Philippines – Kumbinsido si strength and conditioning coach Justin Fortune na malaki ang naitulong ng paglalaro ng basketball ni Manny Pacquiao para manatili sa kanyang magandang kondisyon.
Sinamahan kahapon ni Fortune ang Filipino world eight-division champion sa pagtakbo sa sports complex sa General Santos City at pagpapawis sa gym.
“As far as his condition, he's in shape,” sabi ni Fortune kay Pacquiao sa panayam ng ABS-CBN News. “He always maintains good condition because of his basketball, and he's always doing something.”
Plano ng 5-foot-6 na si Pacquiao na maglaro ng ilang minuto bilang playing/coach ng Kia Motors sa darating na 40th season ng PBA na magbubukas sa Oktubre 19.
Sinabi ni Pacquiao na nakipag-usap na siya kay chief trainer Freddie Roach at pinayagan na siyang maglaro sa PBA.
Muli namang kinuha nina Pacquiao at Roach ang serbisyo ni Fortune matapos sibakin si Alex Ariza na sinasabing lumipat sa kampo ni Floyd Mayweather, Jr.
Si Fortune, isang dating Australian professional boxer, ang strength and conditiong coach ni Pacquiao simula noong 2003 hanggang 2007 bago sila nagkaroon ng hindi pagkakasundo ni Roach.
Nagbalik ang Australian sa Team Pacquiao mula sa kahilingan ng Sarangani Congressman para sa kanyang paghahanda sa kanilang rematch ni Timothy Bradley, Jr. noong Abril na kanyang naipanalo.
Kumpiyansa si Fortune na magiging handa si Pacquiao sa pagsagupa kay American challenger Chris Algieri sa Nobyembre 22 sa Macau, China.
"We'll be in shape, we'll be in great shape for Algieri. We have to be, because Algieri will be in good shape. If anything, he's in great condition, so we'll be the same," wika ni Fortune.
Itataya ni Pacquiao ang suot na WBO welterweight crown.