INCHEON, Korea -- Tiniyak ni Charly Suarez na makakapaghatid ng medalya ang national boxing team nang talunin niya si Ammar Jabbar Hasan ng Iraq sa quarterfinals ng lightweight division kahapon sa 17th Asian Games sa Seonhak gymnasium dito.
Agresibong hinarap ni Suarez ang Iraqi boxer at pinaulanan niya ito ng suntok sa kabuuan ng tatlong rounds.
Nabawasan pa ng puntos ang 26-anyos na si Suarez sa second round pero hindi ito nakaapekto sa kanyang kampanya matapos ang 29-27 iskor mula sa tatlong hurado sa men’s lightweight (60kg.) class
Ito ang kauna-unahang medalya ng bansa sa boxing at puwede pa itong maging gintong medalya kung papalarin ang 2011 SEA Games champion sa semifinals laban kay Obada Mohammad Mustafa Alkasbeh ng Jordan sa Oktubre 2.
Umabante si Alkasbeh sa Final Four mula sa 3-0 panalo laban kay Soonshul Han ng Korea.
Lumapit naman si middleweight Wilfredo Lopez sa isang panalo para makatiyak ng bronze medal sa pamamagitan ng 29-28, 29-28, 29-28 panalo kontra kay Waheed Abdulridha ng Iraq sa men’s middleweight (75kg.) category.
Susunod na susukatin ng 29-anyos na si Lopez, isang silver medalist ng 2013 Myanmar SEA Games, si Shinebayar Naritandakh ng Mongolia sa quarterfinals ngayon.
Pagsisikapan din nina Olympian Mark Anthony Barriga at Mario Fernandez na dagdagan pa ang medalyang tiyak na hawak ng boxing sa pagsalang sa quarterfinals.
Katunggali ni Barriga si Hasanboy Dusmatov ng Uzbekistan sa light flyweight, habang si Fernandez ay makikipagbasagan ng mukha kay Shiva Thapa ng India sa bantamweight division.
Apat na lamang na boksingero ang nakatayo para sa kampanya ng Pilipinas dahil namahinga na sina Ian Clark Bautista at Dennis Galvan sa kalalakihan at sina Josie Gabuco at Nesthy Petecio sa kababaihan.