INCHEON, South Korea — Patuloy na inaalat ang Team Philippines matapos kumawala ang inaasahang unang gintong medalya nang mabigo si Jean Claude Saclag sa finals ng wushu sa 17th Asian Games dito.
Natalo si Saclag kay Hongxing Kong ng China, 0-2, sa men’s Sanda-60kg para makuntento sa silver medal.
Patuloy ang pagratsada ng China sa paghakot ng 54 golds, 30 silvers at 26 bronzes kasunod ang South Korea (26-23-23), Japan (19-27-27) at Kazakhstan (5-6-13), habang nasa ika-19 ang Pilipinas (0-2-1).
Sa men’s boxing, nagtala ng panalo sina bantamweight Mario Fernandez at lightweight Charly Suarez.
Sa men’s tennis, umusad si Patrick John Tierro sa second round matapos igupo si Ho Tin Marco Leung via straight sets, 6-2, 6-1.
Sunod na makakaharap ng Pinoy netter si Korean Hyeun Chung.
Hindi umubra si Denise Dy kay third seed si Misa Eguchi ng Japan, 6-3, 6-0 sa women’s match.
Sa kabila naman ng paglangoy ng bagong Philippine record na 2:02.84 ay nabigo pa rin si swimmer Jasmine Alkhaldi na umusad sa finals ng women’s 200m freestyle nang tumapos sa ika-9.
Binura ni Alkhaldi ang sariling record na 2:03.13 na kanyang nairehistro noong Hulyo ng 2013.
Sibak na rin si Jessie Khing Lacuna nang tumapos na ika-13 sa oras na 55.18 segundo sa men’s 100m breaststroke.
Pang-anim sina Pinoy rowers Edgar Ilas at Nestor Cordova sa double sculls Final A, habang bumagsak si Benjamin Tolentino Jr. sa pang-pitong puwesto sa lightweight men’s single sculls Finals B.