MANILA, Philippines – Nahaharap sa krusyal na laro ang Perpetual Help sa hangaring mapaigting ang paghahabol ng tiket sa Final Four sa 90th NCAA men’s basketball ngayong hapon sa The Arena sa San Juan City.
Bitbit ang 8-6 karta, pagsisikapan ng Altas na dumikit sa Jose Rizal Heavy Bombers (9-5) at St. Benilde Blazers (9-5) kung malulusutan ang four-time defending champions na San Beda Red Lions sa unang laro sa alas-2 ng hapon.
Napahinga nang 12 araw ang Altas dahil kinansela ang laro kontra sa San Sebastian Stags noong Setyembre 15 dahil sa pagdating ng bagyong ‘Luis’.
Natalo ang Altas sa Red Lions sa unang pagtutuos, 75-77.
May 13-2 baraha ang tropa ni coach Boyet Fernandez at ang mahahagip na ika-pitong sunod na panalo ay sapat na para upuan ang anuman sa No. 1 at Nio. 2 seat at ang mahalagang ‘twice-to-beat’ advantage.
Ito ay dahil ang pinakamagandang pagtatapos na puwedeng abutin ng Heavy Bombers at ng Blazers ay hanggang 13 panalo lamang kung wawalisin ang nalalabing apat na laro.
Ang mga kamador na sina Juneric Baloria, Earl Scottie Thompson at Harold Arboleda ang mga aasahan ni coach Aric Del Rosario pero dapat na makitaan din sila ng ibayong depensa para mapigil ang mga malalaking manlalaro ng Bedans sa pangunguna nina Ola Adeogun, Arthur Dela Cruz at Kyle Pascual.
Bukod sa tatlong ito, si Fernandez ay mananalig na magpapatuloy ang magandang ipinapakita nina Baser Amer at Anthony Semerad para palawigin ang winning streak sa pito.
Pagsisikapan naman ng talsik nang Mapua Cardinals na mahagip ng ikaapat na sunod na panalo sa pagsukat sa Emilio Aguinaldo College Generals sa ikalawang laro.