INCHEON, South Korea — Maagang inilabas ng Pinoy netters ang kanilang pangil ng mainit na simula matapos humataw ng 3-0 panalo laban sa Mongolia sa men’s team event ng 2014 Asian Games tennis competition dito sa Yeorumul Tennis Courts kahapon.
Ipinamalas kaagad ni Fil-Am Ruben Gonzales ang kanyang husay nang umiskor ng 6-3, 6-2 panalo laban kay Badrak Munkhbaatar sa unang singles match.
Umangat agad ang kalidad ng laro ni Gonzales, beterano ng Asian Davis Cup at SEA Games, sa kalaban nang hindi ito pinaporma tungo sa magaang na panalo na sinaksihan nina Chief of Mission at PSC chairman Richie Garcia, Philta secretary general Romeo Magat at fellow task force member at Samahang Basketbol ng Pilipinas treasurer Jay Adalem.
Inangkin ni Gonzales ang first set sa iskor na 6-3 bago dinomina ang tenistang mula sa Ulan Bator para tapusin ang laro.
“I was determines to win because to bolster my morale. It’s inspiring to win this game. I happy to play consistent and better my performance in the succeeding games,” pahayag ni Gonzales.
Ang panalo ni Gonzales ay sinundan ni Patrick John Tierro nang iposte ang 6-4, 6-2 tagumpay laban kay Erdenebayar Duurendayar sa ikalawang singles.
Nagtulong naman sina Gonzales at Grand Slam veteran Treat Huey nang irehistro ang 6-0, 6-0 pananaig kontra kina Oyunbat Baatar at Sukhjargal sa doubles event para kumpletuhin ang pagwalis sa three-game tie.
Susunod na makakasagupa ng mga Pinoy netters ay ang Chinese-Taipei na second seed sa nasabing event. (BRepizo-Meraña)