Laro sa Sabado
(Smart Araneta
Coliseum)
4 p.m. NU vs UE
(playoff para sa No. 4)
MANILA, Philippines - Ang pagbabalik ng Blue Eagles sa Final Four ay nagmula sa pagbabandera ni scorer Kiefer Ravena.
Muling ipinakita ng fourth-year guard ang kanyang pamatay na porma matapos umiskor ng 15 sa kanyang game-high na 23 points sa fourth quarter at sa extra five minutes para igiya ang Ateneo De Manila University sa 68-64 come-from-behind overtime win kontra sa Far Eastern University para tapusin ang elimination round bitbit ang No. 1 spot.
Dahil dito ay hinirang si Ravena bilang UAAP Press Corps-Accel Quantum Plus/3XVI Player of the Week sa ikatlong pagkakataon sa 77th UAAP men’s basketball tournament.
Dinala ng ‘five-peat’ champions ang record na 11-3 patungo sa Final Four hawak ang ‘twice-to-beat’ advantage bilang top team.
Nagdagdag din ang tinaguriang “Phenom” ng 5 rebounds, 5 assists at 2 steals sa nasabing pananaig ng Blue Eagles laban sa Tamaraws noong nakaraang Sabado.
“This season had really been tremendous for us. It’s a revelation for so many players most especially for Kiefer,” sabi ni head coach Bo Perasol.
Si Ravena ang kinilalang Most Valuable Player sa likod ng kanyang tournament-leading averages na 21.2 points, 5.6 assists at 1.5 steals sa 14 laro.
Tinalo ng 2010 UAAP Rookie of the Year sina Bong Galanza ng University of the East, Don Trollano ng Adamson at Almond Vosotros ng nagdedepensang La Salle para sa naturang weekly honor na suportado ng Bactigel Hand Sanitizer, Mighty Mom Dishwashing at Dr. J Rubbing Alcohol.
Malamig si Ravena sa unang tatlong yugto kung saan iniwanan ng FEU ang Ateneo sa 45-26 papasok sa fourth period.
Ngunit nag-init ang anak ni dating PBA player Bong Ravena nang pamunuan ang 19-2 atake ng Katipunan-based squad para makapuwersa ng overtime.
“Partly mental, I didn’t want to give up during the end,” sabi ni Ravena.
“Malayo na ang hinabol namin 19 points din ‘yun. Sabi ko sa mga teammates ko “‘dun pa ba kami bibigay?” So I guess yu’ng mental (conditioning) namin umangat even though we’re a young team naipakita namin ‘yung at least little maturity in the end,” dagdag pa nito.
Hihintayin ng Ateneo ang mananalo sa playoff game ng National University at University of the East, kapwa nagtapos na may 9-5 record, sa Sabado para sa No. 4 spot.