MANILA, Philippines - Lumilinaw na ang posibleng pagkikita nina Manny Pacquiao at Danny Garcia sa susunod na taon matapos sumuporta sa plano ang manager ng huli na si Al Haymon.
Ayon kay Golden Boy Promotion (GBP) president Oscar De La Hoya, nagkausap na sila ni Haymon at nagpahayag ito ng pagsang-ayon sa pagtutuos ng dalawang boksingero.
Nauna nang nagkausap sina De La Hoya at Top Rank CEO Bob Arum na siya ring promoter ni Pacquiao, para pasimulan ang pagtutuos ng mga boksingerong nasa ilalim nina Arum at De La Hoya.
Dahil sa paggigiit ni De La Hoya na buksan ang pintuan para magkasukatan ang kanyang boxers sa boksingero ni Arum kaya’t naghiwalay ng landas ang Olympian at si Richard Schaefer. Maging si Haymon ay umalis din sa GBP dahil ayaw makisalamuha si Arum.
Pero bukas ang isipan ni Haymon sa maituturing na eksplosibong tagisan sa pagitan ni WBO welterweight champion Pacquiao at WBC/WBA light welterweight champion Garcia.
Ang titulo ni Pacman ang itataya sa bakbakan.
“We have talked to Al about it and he likes it, he’s open to it,” pahayag ni De La Hoya sa Boxingscene.
Hindi malayong kagatin ng mga manonood ang nilulutong laban dahil wala pang talo si Garcia matapos ang 29-laban at ipinalalagay na mapapahirapan ang eight division world champion na may 56 panalo sa 63 laban.
Para tuluyang maganap ang Pacquiao-Garcia fight, dapat na manaig ang Kongresista ng Sarangani Province kay Chris Algieri sa Nobyembre 14 sa Cotai Arena, Macau, China.