MANILA, Philippines – Lumabas ang abilidad ng mga Filipino paddlers para mabigyan ng karangalan ang bansa sa idinaos na ICF 2014 World Dragon Boat Championships sa Poland.
Sa pagbisita ng koponan sa PSA Forum sa Shakey’s Malate kahapon, ikinuwento ni coach Diomedes Manalo ang ginawang hakbang upang ang mga maliliit na national paddlers ay makatuntong sa sahig ng malalaking bangka na ginamit sa kompetisyon.
“Malalaki kasi ang mga Europeans kaya malaki rin ang mga bangka nila. Tayo hindi makaabot sa sahig ang mga paa natin kaya ang ginawa namin ay kumuha kami ng mga kahon para maging tapakan,” wika ni Manalo.
Kahit sa pagkain ay hindi naging problema ang koponang binuo ng 27 paddlers at 19 dito ay mga baguhan.
“May isang sako kaming bigas na dinala. Hinati-hati namin ito sa mga kasama, parang tig-tatlong kilos sila para hindi manibago sa pagkain na walang rice,” dagdag pa ni assistant coach Duchess Co.
Dahil sa magandang diskarte, nagkaroon ng puwersa sa pagsagwan at puno ng enerhiya ang dragon boat team na isinali ng Philippine Canoe-Kayak Federation at nagresulta ito sa paghablot ng limang gintong medalya bukod sa tig-tatlong silver at bronze medals sa 11 events na nilahukan.
Dapat ay 12 events ang sasalihan ng bansa pero nagdesisyon ang coaches na huwag ng sumali sa mixed 20-seat, 2000-meter race dahil pagod na ang koponan.
Tinuran pa nina Manalo at Co ang matinding disiplina na ipinakita ng mga kasapi ng koponan para mabigyan ng karangalan ang bansa sa kompetisyon.
Balik-ensayo na ang paddlers at ang pinaghahandaan na nila ay ang 2015 SEA Games sa Singapore.