MANILA, Philippines – Nakuha ng Philippine Volleyball Federation (PVF) bilang kaalyado ang PLDT Home FiBR para sa pagbubuo ng malakas na koponan sa kalalakihan at kababaihan.
Magkatuwang na ang dalawang koponan sa isinasagawang tryouts sa Ninoy Aquino Stadium at hindi malayong lumalim pa ang samahan dahil may plano ang kumpanyang pinamumunuan ni businessman/sportsman Manny V. Pangilinan na ituloy ang pagsuporta hanggang sa 2015 Singapore SEA Games.
“Malaking bagay kung may makuhang team sponsor ang volleyball lalo na kung ito ay ang PLDT na talagang sumusuporta sa development ng sport,” wika ni PVF secretary-general Rustico “Otie” Camangian.
May binuo ang PVF na National Volleyball Management committee at kasama rito si Evelyn Celis na kumakatawan sa PLDT.
Si Camangian ang national team director, habang kasama rin sina Michelle Datuin at Gretchen Ho ng PLDT bilang Public Affairs at Media Affairs officers.
Noong Huwebes at Biyernes sinimulan ang tryouts sa kalalakihan na hahawakan ni UST coach Arthur “Odjie” Mamon at nasa 60 manlalaro ang dumalo na kung saan 18 sa kanila ang pipiliin para bumuo sa pambansang koponan sa kalalakihan.
Ngayon at Bukas naman nakatakdang gawin ang pagpili sa kababaihan at matapos makumpleto ang koponan ay sasailalim ang mga koponan sa matinding pagsasanay para makabalik sa paglahok sa SEA Games.
Taong 1991 sa Manila SEA Games huling nagkaroon ng medalya ang men’s volleyball team na binuo pa nina Camangian at Mamon nang nakakuha ng bronze medal, habang ang women’s team ay huling nakakuha ng medalya, isang bronze, sa 2005 Philippine SEA Games.
Sa pagkakaroon ng mahabang panahon para makapaghanda at suporta ng PLDT, hindi malayo na mas kuminang ang pambansang koponan sa paglalabanang SEAG sa Singapore.