MANILA, Philippines – Lalayo pa ang San Beda Red Lions sa mga katunggali, habang lalapit naman ang Letran Knights sa mga nasa itaas sa 90th NCAA men’s basketball ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Katipan ng four-time defending champion na Red Lions ang Emilio Aguinaldo College Generals at balak na hagipin ang ikaapat na sunod na panalo sa unang tagisan sa alas-2 ng hapon.
Tinalo na ng bataan ni coach Boyet Fernandez ang Generals sa unang pagtutuos,78-54, at walang nakikitang problema sa hangarin lalo pa’t malabo pang makasama ng tropa ni coach Gerry Esplana si Noube Happi bunga ng back injury nito.
Ang Knights ay makikipagsukatan sa San Sebastian Stags sa ikalawang laro sa alas-4 at hangad ang ikaanim na panalo sa 13 laro para lumakas ang paghahabol ng puwesto sa Final Four.
Mataas ang morale ng koponan ni coach Caloy Garcia dahil tatlo sa huling apat na laro ang kanilang naipanalo.
Pinapaboran pa ang koponan laban sa Stags na may siyam na sunod na pagkatalo para samahan ang Mapua Cardinals sa 3-10 karta at mamahinga na sa liga.