MANILA, Philippines – Kumawala ang Red Warriors sa fourth quarter para palakasin ang kanilang tsansa sa playoff sa Final Four.
Diniskaril ng University of the East ang hangad ng Far Eastern University na makamit ang ‘twice-to-beat’ advantage matapos kunin ang 94-71 panalo sa second round ng 77th UAAP men’s basketball tournament kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Ang kabiguan ang nagtabla sa FEU at Ateneo De Manila University sa liderato sa magkapareho nilang 10-3 kartada kasunod ang nagdedepensang De La Salle University (9-3), National University (8-4), University of the East (7-5) at mga sibak nang University of Sto. Tomas (5-7), University of the Philippines (1-12) at Adamson University (0-13).
Mula sa 64-64 pagkakatabla sa pagsisimula ng fourth period ay kumamada ang Red Warriors ng 26-0 atake sa likod nina guard Roi Sumang, Bong Galanza at Sierra Leone import Charles Mammie kontra sa Tamaraws patungo sa pagpoposte ng 90-64 kalamangan sa huling 2:56 minuto sa laro.
At mula rito ay hindi na nilingon ng UE ang FEU para sa kanilang pang-pitong panalo sa 12 asignatura.
Tumapos si Galanza na may 26 points kasunod ang 18 ni Mammie para sa Red Warriors.
Sa unang laro, lumapit sa pagsikwat sa playoff para sa Final Four ang NU matapos talunin ang UP, 66-51.
Kumolekta si import Alfred Aroga ng 18 points at 10 rebounds para sa pang-walong panalo ng Bulldogs kasabay ng pagpapatalsik sa Tigers.
“Ang goal lang namin is to at least win the games that we can win in order to qualify,” sabi ni Bulldogs’ mentor Eric Altamirano.
Kinuha ng Bulldogs ang 29-17 abante sa halftime kasunod ang slam dunk ni Aroga kay Mark Juruena sa third quarter kung saan nila itinala ang 43-25 kalamangan.