MANILA, Philippines - Tinapos ng Pilipinas ang ginawang kampanya sa 2014 ICF (International Canoe Federation) World Dragon Boat Championships nang kumulekta pa ng dalawang bronze medals noong Linggo sa Poznan, Poland.
Ang huling araw ng aksyon ay pinaglabanan sa 2000-metro distansya at ang koponang inilaban ng Philippine Canoe-Kayak Federation (PCKF) ay hindi nabokya para magkaroon ng kabuuang limang ginto, tatlong pilak at tatlong bronze medals.
Ang Junior Men na nanalo ng dalawang ginto sa 200m at 500m races, ay nagsumite ng 10 minuto at 18.23 segundo tiyempo sa 10-seater para pumangatlo sa Canada (10:14.95) at Russia (10:16).
Ang ikalawang bronze ay naihatid ng Senior Men sa 10-seater race sa naitalang 9:57.66 oras.
Umabot sa 10 bansa ang naglaban sa karerang ito at ang nagkampeon ay ang host Poland sa 9:47.15 bago sinundan ng Russia sa 9:47.59.
Sumali lamang ang Pilipinas sa 11 events at nagkaroon sila ng 100% performance dahil 11 medalya rin ang kanilang napanalunan.
Sa 200-metro distansya lumabas ang galing ng Pambansang koponan nang nakasagwan ng apat na ginto habang ang isang ginto ay galing sa 500-metro distansya na ibinigay ng Junior Men.
Sa overall medal race, ang Pilipinas na natatanging Asian country na lumahok, ay nalagay sa ikaapat na puwesto mula sa 15 bansa na naglaban.
Ang Russia ang kampeon bitbit ang 16 ginto, 8 pilak at 4 bronze medals bago sinundan ng Hungary (8-7-2) at Ukraine (6-4-4).
Nagpahayag ng kasiyahan si PSC chairman Ricardo Garcia sa ipinakita ng Pambansang koponan na nasa ICF Dragon Boat Championships sa unang pagkakataon.
Binanggit pa ni Garcia ang planong bigyan din ng insentibo ang mga kasapi ng koponan dahil sa karangalan na ibinigay sa Pilipinas.
Ang delegasyon ay babalik ng bansa ngayon.