MANILA, Philippines - Determinado ang China na mapalawig sa siyam na sunod ang pagdodomina sa Asian Games matapos magsumite ng pinakamalaking bilang ng atleta na sasali sa 2014 edisyon na gagawin sa Incheon, Korea.
Sa datos na inilabas ng website ng Olympic Council of Asia (OCA) na siyang mamamahala sa kompetisyon, ang China ay may 899 atleta na kinatatampukan ng 470 kalalakihan at 429 kababaihan.
Mas malaki ang kanilang bilang kumpara sa host South Korea na may pangalawang pinakamalaking bilang na 831 atleta (454-377) habang ang Japan ang nasa ikatlo sa 716 atleta (380-336).
Binigyang buhay noong 1951, dalawang bansa pa lamang ang lumabas na overall champion ng kompetisyon at ang Japan ay may walong overall titles mula 1951 sa New Delhi hanggang 1978 sa Bangkok, Thailand bago pumalit ang China mula 1982 sa New Delhi, India hanggang noong 2010 sa Guangzhou, China.
Nakatala naman sa website na 152 (100-52) ang bilang ng atleta ng Pilipinas ngunit ayon sa isang Asian Games Task Force member ay nasa 150 lamang ito.
“So far, our delegation is at 150,” wika ni Romy Magat, isang TF member at sec-gen ng Philippine Tennis Association (Philta).
Lalabas ang Pilipinas na ikalimang may pinakamaraming atleta sa hanay ng mga bansa sa South East Asia.
Ang SEAG champion Thailand ang may pinakamaraming bilang na 517 atleta (243-274) bago sinundan ng Malaysia (288), Singapore (227) at Vietnman (200).
May posibilidad pa na bumaba pa ang bilang ng delegasyon dahil sasalain pa ang mga manlalarong ipinatala base sa eligibility requirements tulad ng 3-year residency rule.