MANILA, Philippines - Sumandal ang Pilipinas sa mga batang mananagwan para makakuha ng gintong medalya sa idinadaos na ICF (International Canoe-Kayak Federation) 2014 Dragon Boat World Championships sa Poznan, Poland.
Ang distansyang pinaglabanan noong Huwebes at Biyernes ay sa 500-meter distance at ang bansa ay namayani sa 10-seater Junior Men nang magtala ng dalawang oras at 16.79 segundo para hiyain ang panlaban ng Russia na may 2:19.28 at Canada na may 2:22.68.
Ang tagumpay ang pumawi sa paglapag lamang ng tatlong senior teams sa ikalawang puwesto kontra sa Russian rowers.
May 1:50.03 oras ang inilaban sa 20-seater Senior Men para pumangalawa sa Russia na may 1:49.17 bilis.
Hindi rin pinalad ang Senior Men sa 10-seater dahil ang oras na 2:12.42 ay mababa sa 2:10.24 ng Russia habang ang isinabak sa 10-seater Senior Mixed ay may 2:16.91 oras laban sa 2:14.71 ng nanalong mga Ruso.
Pinaglabanan noong Sabado ang 10-seater at 20-seater sa 200-meter distance habang ang aksyon sa Linggo ay sa 10-seater at 20-seater sa 2000-meter distance.
Ang namahala sa pagbuo ng National team ay ang Philippine Canoe-Kayak Federation.