SEVILLE -- Muling sumalang ang Pilipinas sa FIBA Basketball World Cup, ngunit kinapos sa overtime laban sa Croatia, 78-81, kagabi dito.
Kaagad na kinuha ng mas malalaking Croatians ang 23-9 abante sa first quarter bago nakadikit ang Nationals sa halftime, 31-37, sa likod nina naturalized Andray Blatche, Marc Pingris at Jimmy Alapag.
Dumikit ang Gilas Pilipinas sa 49-52 kasunod ang technical foul kay Jayson Castro dahil sa flopping na nagresulta sa dalawang free throws at posesyon para sa 57-49 bentahe ng Croatia sa third quarter.
Mula sa 64-56 kalamangan ng Croatia ay nagsalpak si Jeff Chan ng isang three-pointer na sinundan ng reverse layup ni Pingris at tres ni Blatche upang itabla ang Nationals sa 64-64 sa huling 3:17 minuto sa regulation.
Umabante ang Gilas Pilipinas sa 67-66 mula sa tatlong free throws ni Chan.
Ang basket ni Blatche ang naglayo sa 69-66 sa 2:20 minuto bago kumonekta ng tres si Krunoslav Simon na nagtabla sa Croatia sa 69-69.
Nadala ang laro sa overtime, 71-71, matapos ang jumper ni Dario Saric at tirada ni Jayson Castro.
Dalawang free throws ang isinalpak ni Croatian superstar Bogdan Bogdanovic, tumapos na may 27 points, para sa kanilang 77-75 kalamangan sa huling 41 segundo.
Matapos ang mintis ni Ranidel De Ocampo ay muling tumipa si Bogdanovic ng dalawang charities upang makalayo ang Croatia sa 79-75 sa natitirang 19 segundo.
Huling nakalapit ang Gilas Pilipinas sa 78-79 galing sa tres ni Blatche sa nalalabing 7.6 segundo.
Kumonekta si Damjan Rudež ng dalawang free throws na naglayo sa Croatia sa 81-78 kasunod ang tumalbog na tangkang tres ni Castro.
Croatia 81 - Bognadovic 26, Simon 12, Saric 10, Tomic 8, Markota 5, Ukic 5, Lafayette 4, Rudez 4, Zoric 4, Babic 3.
Gilas Pilipinas 78 - Blatche 28, Chan 17, Pingris 10, William (Castro) 6, De Ocampo 5, Alapag 4, Tenorio 2, Norwood 2, Fajardo 2, Dalistan (Lee) 2, Aguilar 0.
Quarterscores: 23-9; 37-31; 57-49; 71-71; 81-78 (OT)