MANILA, Philippines - Maaaring nagkamali si Chris Algieri ng kanyang hahamunin.
Sinabi ng isang veteran boxing commentator na tiyak na magugulat ang 5-foot-10 na si Algieri sa bilis at lakas ng 5’6 na si Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao sa gabi ng kanilang laban sa Nobyembre 22 sa The Venetian sa Macau, China.
“He’s fighting a younger bigger boxer,” sabi ni boxing commentator Larry Merchant sa pagharap ni Pacquiao kay Algieri. “In his last fight, Pacquiao outboxed the boxer Tim Bradley. Bradley couldn’t cope with his quickness and smarts. The question is whether Algieri can, and Algieri has a lot going for him in this match-up.”
Itataya ng 35-anyos na si Pacquiao ang kanyang hawak na World Boxing Organization (WBO) welterweight crown laban sa 30-anyos na si Algieri.
Nabawi ni Pacquiao ang naturang titulo matapos resbakan si Bradley sa kanilang rematch noong Abril.
Sumikat naman si Algieri matapos ang kanyang split decision win kay Ruslan Provodnikov para agawin sa Russian ang bitbit nitong WBO light welterweight title noong Hunyo.
Nakabangon si Algieri sa dalawang pagbagsak sa first round para ungusan si Provodnikov, dating sparmate ni Pacquiao.
“I like what Algieri did but I just don’t think he won the fight. I think he did a good job and I perceive him as a potential threat to Pacquiao.” wika ni Merchant.
Kasalukuyang nasa kanilang worldwide media tour sina Pacquiao at Algieri para paingayin ang kanilang laban.
Kahapon ay nagtungo sina Pacquiao at Algieri sa San Francisco Chronicle at naging bisita sa Yahoo Sports Talk.