MANILA, Philippines - Naipasok ni Joshua Caracut ang krusyal na three-pointer para itulak ang Pilipinas sa 72-69 panalo sa Malaysia sa pagtatapos ng elimination round sa FIBA Asia Under-18 Championship noong Linggo sa Doha, Qatar
Itinarak ni Caracut ang kanyang ikalimang puntos lamang sa laro sa huling 24 segundo para basagin ang huling tabla sa 69-all.
Matapos nito ay pinagmasdan ng Batang Gilas na nagkalat si Joon Lock Wee para kunin ng Pilipinas ang ikatlong puwesto sa Group E at angkinin ang karapatan na labanan ang Chinese Taipei sa knockout quarterfinals ngayon.
Isinablay ni Wee ang dalawang free throws mula sa unsportsmanlike foul ni Manuel Mosqueda bago sunod na naimintis ang sana ay panablang triple.
Binigyan ng foul si Caracut sa huling tatlong segundo at naisablay niya ang dalawang attempts. Pero siya pa rin ang nakakuha ng offensive rebound upang tapusin ng Pambansang koponan ang kampanya sa elims bitbit ang 3-2 karta.
Si Ranbill Tongco ang nanguna sa koponan sa kanyang 22 puntos habang si Kobe Paras ay naghatid ng 12 puntos, apat na rebounds at tatlong steals. May 10 puntos at 10 rebounds si Mark Anthony Dyke para sa bansa.
Tinalo ng Iran ang Chinese Taipei. 74-41, para pangunahan ang Group F sa 5-0 baraha at siyang makakalaban ng Malaysia na pumang-apat sa Group E sa 2-3 marka.
Ang two-time defending champion China na nanaig sa Korea para walisin ang limang laro, ang kaharap ng Kazakhstan (2-3) habang ang Koreans (4-1) ang kasukatan ng Japan (3-2).
Pahinga ang aksyon kahapon para magkaroon ng pagkakataon ang mga koponan na mapaghandaan ang kani-kanilang knockout games.
Kung magwagi pa ang Pilipinas, isang six-time champion ng liga, makakasukatan nila sa semifinals ang mananalo sa pagitan ng 10-time champion China at Kazakhstan. (AT)