MANILA, Philippines - Dinagdagan ni Archand Christian Bagsit ang gintong medalya na napanalunan ng bansa nang magkampeon sa men’s 400-meter run sa pagtatapos ng 76th Singapore Open Track and Field Championships noong Linggo sa Choa Chu Kang Stadium, Singapore.
Nakauna lamang si Bagsit ng halos dalawang hakbang sa kababayang si Edgardo Alejan Jr. para sa 1-2 pagtatapos sa 47.77 at 47.79 segundo tiyempo.
Ang Japanese runner na si Souchiro Kawase ang pumangatlo sa 48.08 oras.
Sina 19-anyos pole vaulter Ernest John Obiena at Fil-Am Eric Shauwn Cray ay naghatid pa ng dalawang pilak para wakasan ng Pambansang koponan na ipinadala ng PATAFA ang dalawang araw na kompetisyon bitbit ang apat na ginto, apat na pilak at isang bronze medal tungo sa pangatlong puwestong pagtatapos sa pangkalahatan.
Naalpasan ni Obiena ang bar sa 5.20 meters para malagay sa pangalawang puwesto kasunod ni Duh Yeon Han ng Korea na may 5.30m.
Si Cray na nanalo sa 400m hurdles, ay nakontento sa pangalawang puwesto sa century dash sa 10.66 segundo. Ang ginto ay napunta kay W. Himasha Easchan ng Sri Lanka sa 10.61 segundo at ang bronze ay napunta kay Kazuya Murata ng Japan sa 10.72 segundo.
Ang iba pang nanalo para sa Pilipinas ay ang nagbabalik na long jumper na si Marestella Torres na nakagawa ng 6.45m at si Christopher Ulboc sa paboritong 3000m steeplechase event.
Ang Korea ang siyang lumabas bilang overall champion sa 11 ginto, 6 pilak at 1 bronze habang ang Japan na may apat na ginto rin, ang pumangalawa dahil sa anim na pilak at siyam na bronze medals.
Ang Vietnam ang pumang-apat sa 4-0-2 habang ang Myanmar ay may 3-4-1 medal tally para pumanglima.