Rivera, del Rosario biyaheng Poland

MANILA, Philippines - Sina dating world champion Biboy Rivera at Liza del Rosario ang siyang kakatawan sa Pilipinas sa Bowling World Cup sa Wroclaw, Poland mula Nobyembre 1 hanggang 9.

Nakuha ng dalawang beteranong bowlers ang puwesto nang panguna­han ang 2014 BWC national championship na natapos noong Biyernes sa SM North Edsa.

Nanguna sa elimination round, tinalo ni Rivera si Benshir Layoso, 2-1, (256-258, 227-193, 232-177) sa men’s division habang si Del Rosario ay nangibabaw sa nanguna sa kababaihan sa elims  na si Lara Posadas, 2-0 (206-188, 225-205).

Ito ang ikatlong pagka­kataon na maglalaro si Rivera sa World Cup at nais niyang higitan ang pangatlong puwestong pagtatapos noong 2010 sa Toulouse, France. Naglaro rin si Rivera sa Johannesburg, South Africa noong 2011 pero hindi siya umabante.

Ikalimang pagkakataon na ito ni Del Rosario at pag­sisikapan niyang mapa­nalunan na ang wo­men’s title na muntik niyang naiuwi noong 2011 sa Pattaya nang pumangalawa sa kompetisyon.

Si Posadas ang nanguna sa elimination at nakaharap si Del Rosario nang talunin si Liza Clutario sa semifinals, 2-1, (234-226, 204-208, 193-180).

Si Layoso ay pumasok sa finals nang pabagsakin ang 18-anyos na si Enzo Hernandez, 2-0, (206-198, 248-242).

Show comments