MANILA, Philippines - Nailabas ni Marestella Torres ang pinakamagandang porma sapul ng bumalik mula sa panganganak noong Enero para makuha ang gintong medalya sa long jump sa idinadaos na 76th Singapore Open Track and Field Championships sa Choa Chu Kang Stadium sa Singapore.
Ang 33-anyos na si Torres ay nakalundag ng 6.45m sa ikaanim at huling attempt noong Sabado para sa kanyang ikalawang gintong medalya sa tatlong international tournaments na sinalihan.
Isang four-time SEAG champion at two-time Olympian, si Torres ay nagbabalik matapos ang mahigit na isang taong pamamahinga at noong Enero ay isinilang ang kauna-unahang supling nila at asawang si Eleazer Sunang.
Tinalo ni Torres ang pambato ng Malaysia na si Mohamad Nafiah na may 6.14m habang ang bronze medal ay kinuha ni Chanmi Bae ng Korea sa 6.00m.
Ang marka ay lampas din sa dating best leap sa talon na 6.26m jump nang nagwagi sa Hong Kong noong Hunyo.
Higit din ito sa itinakdang 6.37m qualifying standard para makapasok sa Asian Games sa Incheon, Korea upang buhayin ang posibilidad na maihabol pa si Torres sa delegasyon.
Ngunit sa text message ni POC chairman at kasapi ng Asian Games Task Force Tom Carrasco Jr. kahapon, sinabi niyang hindi na maihahabol pa si Torres dahil tapos na ang submission ng pangalan sa Asian Games Organizing Committee.
Noon pang Agosto 15 ang pinal na araw para sa pagpapatala ng atleta para sa Asiad at si Torres, na hawak ang SEAG record sa 6.71m, ay binigyan ng performance trial noong Agosto 9 sa Philsports Oval sa Pasig City pero nakalundag lamang sa 6.17m.
Bukod kay Torres ay nanalo rin si Fil-Am Eric Shauwn Cray (51.60 se-conds) at Christopher Ulboc (9:16.51) sa men’s 400m hurdles at 3000m steeplechase habang may pilak ang men’s 4x400m relay (3:11.67) at si Henry Dagmil ay may bronze sa men’s long jump (7.56m) para sa magandang pani-mula ng Pambansang at-leta sa dalawang araw na kompetisyon. (AT)