Lady Rising Suns, Lady Troopers nangangamoy finals

   Napasalampak si Nerrisa Bautista sa paghabol sa bola at napatingin na lang ang kakamping si Christine Agno ng Army sa aksyong ito sa Game 1 ng semifinals ng Shakey’s V-League kahapon. (JOEY MENDOZA)

MANILA, Philippines - Itinaas  nina Ginie Sabas at Joanne Bunag ang antas ng paglalaro para tulungan ang Army Lady Troopers sa 24-26, 25-19, 25-20, 25-19, panalo sa Air Force Air Spikers sa Shakey’s V-League Season 11 Open Conference semifinals na nagbukas kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Gumawa si Sabas ng 14 hits, tampok ang 12 kills at isang ace, habang si Bunag ay may 10 hits na ginawa matapos palitan si Rachel Ann Daquis na wala sa kondisyon at naglaro lamang sa unang dalawang sets at may apat na hits lang.

“Malaking tulong sina Sabas at Bunag dahil nag step-up sila,” wika ni Army coach Rico de Guzman na may 1-0 kalamangan sa best-of-three series.

Namuro rin ang nagdedepensang Cagayan Valley Lady Rising Suns na makarating sa championship round sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at may ayuda ng Accel at Mikasa nang daigin ang PLDT Home Telpad Turbo Boos­ters, 25-11, 16-25, 25-14, 25-20, sa ikalawang laro.

Si Rosemari Vargas ay tumapos taglay ang 13 kills at tig-dalawang blocks at aces tungo sa 18 puntos habang sina Janine Marciano, Aiza Maizo at Pau Soriano ay nagtala ng 16,12 at 11 puntos.

Kailangan na lamang ng Army at Cagayan Valley na manalo sa Linggo para maitala ang pagtutuos sa titulo.

Dominado ng Army ang Air Force sa lahat ng departamento matapos angkinin ang 61-49 bentahe sa spike, 10-8 sa blocks at 6-5 sa aces.

Si Jovelyn Gonzaga ay may 16 puntos tungo sa 18 kills bukod sa 12 digs, habang si Mary Jean Balse, at Nerissa Bautista ay may 13 at 11 puntos, si Balse ay may tatlong blocks pa.

Si Tina Salak ay may tatlong aces tungo sa pitong hits bukod sa 57 excellent sets habang si Christine Agno ay may 17 digs.

May 16, 15 at 11 puntos sina Judy Caballejo, May Ann Pantino at Maika Ortiz para sa Air Force na tila nakapanggulat lamang sa first set dahil wala na silang nailabas nang umarangkada ang laro ng Army.

 

Show comments