MANILA, Philippines - Malaki ang paniniwala ni PhilCycling president Abraham “Bambol” Tolentino na palaban ang bansa sa medalya sa cycling sa Incheon Asian Games.
Tampok na manlalaro na inaasahan na manalo ng ginto ay si Fil-Am Daniel Caluag na siyang natatanging BMX rider mula sa Asya na naglaro sa London Olympics noong nakaraang taon.
Hindi lamang siya ang aasahan sa nasabing event dahil naririyan na rin ang nakababatang kapatid na si Christopher para magkaroon ng dalawang panlaban ang bansa sa nasabing event.
“Sa Myanmar SEA Games, si Daniel ang nanalo ng ginto at si Chris ang nag-uwi ng pilak. Hindi natin malaman kung nagbigayan lang sila pero magandang senyales ito. Sa Asian Games malalaman natin kung sino ang mas magaling sa kanilang dalawa,” wika ni Tolentino,
Hindi agad na tinitiyak ni Tolentino ang ginto dahil alam niya na ang ibang malalakas sa event tulad ng mga ilalahok ng Japan at China ay nagsasanay rin sa ibang bansa.
“Ang mga kalaban din natin ay nagsasanay sa ibang bansa tulad sa Switzerland. Kaya hindi talaga natin alam kung ano ang tsansa natin. Pero alam ko rin na training hard ang dalawa para sa kompetisyon,” ani pa Tolentino.
Pero nang sabihin na ang mga Japanese riders na ang nangunguna sa puntos sa BMX ay napangiti na lamang ang opisyal.
“Kung sila ang mga magagaling, bakit nasa atin ang Asian BMX champion,” simpleng sagot nito.
Bukod sa Caluag brothers ay aasahan din si Le Tour de Filipinas champion Mark Galedo na isasabak sa road race.
Isa lang ang pinoproblema ni Tolentino at ito ay ang hinihinging dagdag mekaniko at ang makabagong bisikleta.
Isa lang ang naunang ibinigay sa cycling pero hindi puwede ito dahil magkaibang venue ang paglalaruan ng road race at BMX events.
Kailangan na rin nila ng bagong bisikleta para makasabay sa kagamitan ng mga kalaban.