MANILA, Philippines - Pararangalan si Ramon S. Ang, ang president at chief operating officer ng San Miguel Corporation, bilang Executive of the Year award sa 2014 PBA Press Corps Annual Awards Night bukas sa Richmond Hotel sa Eastwood City, Libis, Quezon City.
Tatanggapin ni Ang ang nasabing award na ipinangalan kay Danny Floro, ang legendary owner ng two-time Grand Slam champion Crispa Redmanizers.
Ang San Mig Super Coffee Mixers, kasama ang San Miguel Beermen at Barangay Ginebra San Miguel Kings, ay nasa ilalim ng SMC corporate umbrella.
Si Ang, kilala sa kanyang acronym na RSA, ay nasa likod ng agresibong pagbabago sa coach at palitan ng mga players sa mga koponan ng SMC.
At ang resulta nito ay ang pagwalis ng Mixers sa tatlong komperensya sa nakaraang season.
Tatayo namang guest of honor at speakers sina cage greats Fortunato ‘Atoy’ Co at Bogs Adornado kasama si Alaska team manager Dickie Bachmann sa kanilang pagkukuwento ng pagkumpleto sa three-conference sweep sa isang season sa naturang espesyal na okasyon na may temang ‘There Are Champions…and There Are Grand Slam Champions!’
Ang tatlo ang makakasama ng mga scribes sa ilalim ni president Barry Pascua ng Bandera na nagkokober ng PBA beat sa pagpaparangal sa mga personalidad na nangibabaw sa nakaraang 39th season kasama ang mananalo ng Coach of the Year at Executive of the Year.
Unang idinaos noong 1993, ang PBAPC Awards Night ay suportado ng PBA, Alaska, Barangay Ginebra, San Miguel, Barako Bull, Blackwater Sports, Globalport, Kia Motors, Meralco, NLEX, Rain or Shine, San Mig Super Coffee at Talk ‘N Text.