MANILA, Philippines - Paglalabanan ng Ateneo Lady Eagles at Air Force Air Spikers ang huling upuan patungo sa semifinals sa playoff ng Shakey’s V-League Season 11 Open Conference ngayong hapon sa The Arena sa San Juan City.
Ang natatanging laro ay magsisimula sa ganap na alas-4 ng hapon at ang mananalo ang siyang makakalaban ng Army Lady Troopers sa semifinals sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng Shakey’s bukod sa ayuda ng Accel at Mikasa.
Nanguna ang Army sa 9-3 baraha bago sinundan ng PLDT Home Telpad Turbo Boosters sa 8-4 karta at nagdedepensang kampeon Cagayan Valley Lady Rising Suns sa 7-5 karta.
Ang PLDT at Cagayan ang siyang magtutuos sa isang semis na paglalabanan sa best-of-three series.
Tumapos din ang Lady Eagles at Air Spikers sa 7-5 baraha pero ang Lady Rising Suns ang agad na umabante bunga ng mas mataas na quotient.
Bumangon ang Ateneo mula sa huling puwesto sa anim na koponang umabante mula sa elimination round matapos walisin ang limang laro sa quarterfinals.
Tatlo sa kanilang limang laro ang nauwi sa five sets para maipakita ng nagdedepensang kampeon sa UAAP women’s volleyball ang masidhing determinasyon.
Huling dalawang laro ng koponan ay laban sa Army at National University Lady Bulldogs na parehong nauwi sa limang sets.
Sa kabilang banda, ang Air Spikers ay natalo sa dalawa sa huling tatlong laro pero sapat ang naipundar sa elimination round para umabot sa playoff.
Si Alyssa Valdez na numero unong scorer ng liga sa 27 hits kada laro, ang aatake uli upang magpatuloy ang paghahabol ng titulo ng collegiate team sa liga.
Makakatulong kay Valdez sina Amy Ahomiro, Michelle Morente, Miren Gequillana, Julia Morado at libero Dennise Lazaro para sa Lady Eagles na best spiking team (35.34 success rate) at best server (1.92 average).
Ngunit ang Air Force ay isang champion team sa ilang commercial leagues at ang karanasan na taglay nina Maika Ortiz, Joy Cases, Judy Caballejo, Iari Yongco at May Ann Pantino ang siyang sasandalan para wakasan ang magandang ipinakita ng Ateneo.