MANILA, Philippines - Muling nagtambal ang Cebuana Lhuillier at ang Philippine Columbian Association (PCA) para sa ika-33 edisyon ng PCA Open tennis championships na hahataw sa Nobyembre 1 sa PCA covered clay tennis courts ng Plaza Dilao sa Paco, Manila.
Ito ang ika-pitong taon na susuportahan ng Cebuana Lhuillier ang pinakamatandang tennis tournament sa bansa na nagtampok kina Philippine national team mainstays Johnny Arcilla at Czarina Arevalo, nagkampeon sa men’s at women’s open division ng walo at limang beses, ayon sa pagkakasunod.
Sinabi ni Cebuana President at CEO Jean Henri Lhuillier na umaasa siyang ang patuloy nilang pagtatambal ang tutulong sa tennis grassroots development program kung saan mahahasa ng mga batang netters ang kanilang husay sa junior age group at sa inter-collegiate divisions.
Nagbigay si Lhuillier bilang bahagi ng kanilang corporate social programs para makatulong sa mga Filipino netters ng sponsorship check na P600,000 sa PJ Lhuillier office sa Makati City.
Ang mga aksyon sa age group, inter-collegiate, Pro-Am doubles, inter-club (individual at team event) at executive team ay nakatakda sa Nobyembre 1 hanggang 23, habang ang main draw ng open singles, doubles at mixed doubles ay sa Nobyembre 15 hanggang 23.