Gilas magi-scout sa Croatia, Greeks

MANILA, Philippines - Kagaya ng Gilas Pilipinas, magkakaroon din ng mga tune-up games ang Croatia, ang unang makakatapat ng Nationals sa darating na FIBA World Cup.

Dadayo ang Croatia sa Badalona, Spain para laba­nan ang host team at ang Mexico sa warm-up matches bago makatapat ang mga Pinoy sa World Cup sa Seville, Spain sa Agosto 30.

Nakapaglaro na ang mga Croatians sa France kung saan nila nakalaban ang French squad bukod pa sa mga Serbians at Greeks sa isang pocket tourney sa Pau, France.

Sa Antibes, France ay magkakaroon din ang Gilas Pilipinas ng kanilang warm-up competition simula sa pagharap sa France ngayon (Manila time).

Inaasahang mag-iiwan ang mga Croatians at Greeks ng kanilang mga scouts sa France para matyagan ang Gilas.

Lalabanan ng mga Pinoy ang Croatians sa Day One ng World Cup sa Agosto 30 bago makatapat ang Greeks sa susunod na araw.

Sinabi ni Gilas coach Chot Reyes na magkakaroon din sila ng scouting reports sa kanilang mga kalaban sa Group B na Croatia, Greece, Argentina, Puerto Rico at Senegal.

Wala pang hinihirang na Final 12 ang Croatia, tumapos na pang-apat sa FIBA Euro Championship.

Kasama sa koponan ni coach Jasmin Repesa si naturalized reinforcement Oliver Lafayette mula sa Louisiana, USA.

Isang Euro Cup winner sa Valencia Basket, si Lafa­yette ay isang sweet-shooting wingman na inaasahang papalit kay Dontaye Draper na tinanggal sa Croatian pool.

 .

 

Show comments