MANILA, Philippines - Inangkin ng PLDT Home Telpad Turbo Boosters ang ikalawang tiket sa semifinals nang naipanalo ang mahigpitang 25-22, 25-21, 25-22 sa nagdedepensang Cagayan Valley Rising Suns sa Shakey’s V-League Season 11 Open Conference quarterfinals kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Si Suzanne Roces ay may 18 kills tungo sa 21 points, habang may 18 digs ang liberong si Lizlee Ann Pantone para ipakita ang matibay na opensa at depensa ng Turbo Boosters at pantayan ang Army Lady Troopers sa unang puwesto sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng Shakey’s katuwang ang Accel at Mikasa.
“Naging agresibo kami sa opensa at depensa kaya kami nanalo,” wika ni PLDT coach Roger Gorayeb.
May 12 puntos si Laurence Ann Latigay, kasama ang 10 kills, habang si Gretchel Soltones ay naghatid pa ng 10 hits para sa nanalong koponan.
Sa ikalawang sunod na laro ay tanging si Aiza Maizo ang nasa doble-pigura para sa Lady Rising Suns sa kanyang 15 hits.
Ito ang ikaapat na sunod na pagkatalo ng Cagayan at nalaglag sa ika-limang puwesto matapos magwagi ang Ateneo Lady Eagles sa talsik nang National University Lady Bulldogs sa limang sets, 26-28, 25-19, 16-25, 25-16, 15-8, sa ikalawang laro.
Tumapos si Alyssa Valdez bitbit ang 32 puntos na nagmula sa 19 kills, 6 blocks at 7 service aces upang makumpleto ng UAAP titlist ang 5-game sweep sa quarters.
Si Bea De Leon ay may 16 puntos at nakasama si Valdez bukod pa kay Miren Gequillana na pinagtulungang bunuin ang 13-4 palitan matapos kunin ng NU ang 3-2 kalamangan tungo sa panalo.
Tinapos ng Ateneo ang kampanya bitbit ang 7-5 baraha para makamit ang playoff sa No. 4 seat.