Menk dinala ng Globalport sa Alaska

MANILA, Philippines - Dalawang second round picks ang ibinigay ng Alaska sa Globalport bilang kapalit ni Eric Menk para palakasin ang kanilang frontline sa darating na 40th PBA season na magbubukas sa Oktubre.

Sa pagdadala sa one-time PBA Most Valuable Player na si Menk sa Aces, makakamit ng Batang Pier ang fifth at seventh pick sa second round ng Uytengsu franchise sa darating na 2014 PBA Rookie Draft.

Nakatakda ang drafting sa Agosto 24 sa Robinsons Place sa Ermita, Manila kung saan ang Globalport ang hihirang sa magiging No. 1 overall pick.

Hindi pa malinaw kung makukuha ng Batang Pier ang sinasabing potensyal na overall selection na si Fil-Am guard Stanley Pringle dahil sa hinihingi nitong malaking monthly salary.

Ang Alaska ang magiging ikaapat na koponan ng 39-anyos na si Menk sa PBA matapos maging direct hire ng Tanduay Rhum Masters noong 1999.

Kumampanya ang Fil-Am power forward para sa Barangay Ginebra at sa Globalport.

Naglaro ang 6-foot-6 na si Menk para sa nagkam­peong San Miguel Beermen sa Asean Basketball League (ABL) kung saan niya nakasabay si 6’9 Fil-Tongan Asi Taulava.

Ang 14-year veteran ang makakatuwang ni 6’9 Sonny  Thoss sa shaded lane para sa Alaska ni American coach Alex Compton.

Ang pagkuha kay Menk ay para sa inaasahang pag-upo ni 6’6 Gabby Espinas sa season bunga ng isang fractured ankle.

Show comments