MANILA, Philippines - Nailuklok si Rep. Abraham “Bambol” Tolentino bilang secretary general ng World Chess Federation (FIDE) sa eleksyon na ginawa noong Lunes sa Tromso, Norway.
Tumakbo sa partido ni incumbent president Kirzan Ilyumzhinov, tinalo ni Tolentino si Ignatius Leong ng Singapore na nagbalak na manatiling sec-gen ng FIDE.
Walang nalagas sa tiket ni Ilyumzhinov na mananatiling pangulo ng international chess body matapos pabagsakin ang dating No. 1 player sa mundo na si Gary Kasparov, 110-61, sa secret balloting.
Bago naupo sa FIDE, si Tolentino ay naging Tagaytay City Mayor mula 2004 hanggang 2013, at sec-gen ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP) bukod sa pagiging presidente ng Asian Zone 3.3.
Nakaupo rin ngayon bilang pangulo ng PhilCycling, nagpahayag si Tolentino na bibitiwan ang puwesto sa Asian Zone 3.3 para mabigyan ng lubusang panahon ang magiging trabaho sa FIDE.
Ang NCFP president na si Prospero Pichay na tumakbo rin sa grupo ni Kasparov ay natalo sa hinangad na Asian Chess Federation presidency matapos iluklok uli si Sheik Sultan Bin Khalifa Al-Nehyan.
Ang iba pang nanalo sa tiket ni Ilyumzhinov ay sina Georgios Makropoulos (deputy president) Aguinaldo Jaime (vice president), Martha Fierro Baquero (vice president) at Adrial Siegel (treasurer).