BUENOS AIRES - Hindi na maglalaro si San Antonio Spurs guard Manu Ginobili para sa Argentina matapos mabigong makasali sa FIBA World Cup sa Spain dahil sa injury.
“Today, I can say for almost certain, 98 percent, that I won’t play any more (for Argentina),” sabi ng 37-anyos na si Ginobili sa panayam ng Buenos Aires daily La Nacion.
Tinulungan ni Ginobili ang Spurs na makamit ang NBA title noong Hunyo ngunit ayaw siyang payagan ng San Antonio na kumampanya para sa Argentina sa World Cup bunga ng isang stress fracture.
May kasunduan ang NBA at ang world governing body na FIBA kung saan tanging mga players at hindi ang koponan ang maaaring tumanggi sa imbitasyon para maglaro sa national team maliban kung ito ay isang “reasonable medical concern.”
Nilabag ito ng Spurs para huwag hayaan si Ginobili na maglaro para sa Argentina sa Spain na magsisimula sa Agosto 30 dahil sa kanyang injury.
Sinabi ni Ginobili na wala siyang nararamdamang sakit ngunit “when I jump, push or brake on the parquet (floor) is when it starts hurting.”
“If I’d played this tournament it would have been the last, that’s sure… It’s hard and it always will be to retire from this (Argentina) team,” dagdag pa nito.
Tinulungan ni Ginobili, inisip na magreretiro sa international competition noong 2012 London Olympic Games, ang Argentina na makamit ang silver medal noong 2002 World Cup sa Indianapolis, ang gold noong 2004 Olympics sa Athens at bronze noong 2010 sa Beijing.
Apat na NBA titles ang nakuha ni Ginobili sa Spurs.