MANILA, Philippines - Ipagpapatuloy ngayon ng Pilipinas ang kampanya sa 41st Chess Olympiad sa pagharap ng men’s team laban sa Austria at ang women’s team kontra sa United Arab Emirates sa Tromso, Norway.
Nagpahinga ang aksyon kahapon at inaasahang ginamit ng men’s at women’s national teams ang pahinga para makondisyon ang mga sarili para sa mas mabibigat na laban.
Wala sa men’s team ang top two players na sina GM Wesley So at GM Oliver Barbosa pero lumalaban pa rin ang koponan sa pagsisikap nina GM Eugene Torre, GM Julio Catalino Sadorra, GM John Paul Gomez at IM Paulo Bersamina.
May tatlong panalo, isang tabla at isang talo ang karta ng Pilipinas para magkaroon ng 10 match points at makasalo sa 25th puwesto kasama ang 18 iba pang bansa.
Tinalo ng Pilipinas ang Afghanistan, Finland at Chile bago tumabla sa Bosnia at Herzegovina.
Balak naman ng women’s team ang wakasan ang dalawang sunod na talo sa pagsukat sa UAE team.