MANILA, Philippines - Nagtulong sina LeBron James at Kevin Love para sa pagsikwat sa dalawang Olympic gold medals.
Ngayon magkasama na sila para wakasan ang 50-year championship drought ng Cleveland Cavaliers.
Mula sa Minnesota ay magtutungo si Love sa Cleveland matapos magkasundo ang dalawang koponan para sa isang trade na magdadala sa All-Star forward sa Cavaliers kapalit nina Andrew Wiggins, Anthony Bennett at isang first-round draft pick.
Wala pang official agreement na mangyayari sa pagitan ng Cavaliers at Timberwolves hanggang Agosto 23 kung saan maaari nang i-trade si Wiggins, ang No. 1 overall draft pick.
Nauna nang nakipag-usap ang Timberwolves sa Philadelphia 76ers tungkol sa paghugot kay forward Thaddeus Young para punan ang maiiwang posisyon ni Love.
Ang kasunduan ng Cavaliers at Timberwolves ang magbubuo kina Love, James at All-Star point guard Kyrie Irving para sa isang bagong ‘’Big 3’’ sa Cleveland.
Pagsisikapan ng ‘Big Three’ na maibigay sa Cleveland ang kauna-unahang sports crown nito sapul noong 1964 nang magkampeon ang Browns sa NFL.